Wednesday, February 11, 2009

Food poisoning

Ang food poisoning ay dahil sa pagkain ng mga pagkaing puno ng masasamang bacteria o toxins. Madalas mangyari ang pagkalason dahil sa dami ng bacteria sa ating kapaligiran na sumisira ng pagkain.
Ang pinakamadalas na sanhi ng food poisoning ay ang pagkain ng gulay at prutas na hindi nahugasan, kulang sa luto na karne, manok, itlog, at panis na gatas.Ang mga bacteria na madalas pinang-gagalingan ng lason ay ang salmonella, listeria, campylo-bacter, at e.coli.

Upang maiwasan ang food poisoning kailangan mag-ingat sa paghahanda, paghuhugas, pagluluto at pagtatago ng mga pagkain. Gawing palaging malinis ang mga kamay at hapag na pinaghahandaan ng pagkain. Suriing mabuti ang lagay ng lumang pagkain.Tiyakin na hindi ito panis at initing mabuti.

Kung minsan mabilis ang epekto ng food poisoning. Sa loob ng ilang oras lamang masama na kaagad ang lagay ng tiyan. Kung minsan naman lilipas muna ang ilang araw bago sumama ang pakiramdam. Kung hindi matindi ang impeksyon, kusa itong nawawala. Kapag matindi ang tama, kailangan kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng kaukulang gamot. O di kaya ay dalhin ang may sakit sa ospital. Maaaring kailangan siyang bigyan ng intra-venous supplement dahil dehydrated ito dala ng pagsusuka, diarrhea at mataas na lagnat.

Tiyakin na ang lumang pagkain ay hindi panis. Amuyin ito at tingnan kung mayroong amag na tumutubo. Siyasating mabuti ang expiry date ng mga de lata at iba pang pagkaing nabibili sa grocery. Huwag kainin ang mga expired na. Takpan palagi ang pagkain upang di madapuan ng langaw, ipis o daga. Lahat ng mga ito ay may dalang mikrobyo at lason na makapagpapasama sa anumang pagkain. Ilagay kaagad sa refrigerator ang mga tirang pagkain. At kahit refrigerated, alamin pa rin kung ilang araw ito maaaring tumagal bago masira.

Pagmainit ang panahon lalong madaling masira ang pagkain. Ang mga pagkaing may sauce ay sirain din. Huling paalala: Ingatang mabuti ang mga bata. Dahil madalas hindi pa nila alam kung alin ang sirang pagkain sa hindi.

No comments:

Post a Comment