Wednesday, February 11, 2009

"Alzheimer's disease"

Ang Alzheimer's disease ay isang progresibong sakit sa utak na nakamamatay. Ito'y sumisira sa mga selula sa utak at nagiging dahilan ng pagkawala ng memorya; panlalabo ng pag-iisip; at pag-iiba-iba ng pag-uugali na nakakaapekto sa mga pang-araw-araw na gawain at paghahanapbuhay.
SINTOMAS:
Mabagal at paunti-unti ang paglaganap ng Alzheimer's disease. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga sintomas ng sakit na ito:
Ang pagiging makakalimutin. Madalas winawalang bahala ang sintomas na ito at iniisip na bahagi lamang ng pagtanda. Lingid sa kaalaman ng marami, ito ay isang sintomas na ng sakit o ang unang bahagi ng Alzheimer's. Madalas ang mga sariwang alaala ang unang nawawala. Halimbawa nito ay ang pagkalimot sa mga simpleng gawain tulad ng pagtanggal sa pagkakasaksak ng plantsa at pagsarado ng gripo.
Nagkakaroon din ng kaunting pagbabago sa personalidad katulad ng pag-iwas sa pakikihalubilo sa mga tao at pagkawalang pakialam sa paligid.
Habang lumalala, humihina ang kakayahang mag-isip, kasabay ng pagbabago ng ugali. Nagiging mayayamutin at palaaway ang pasyente.
Sa huling bahagi ng karamdaman, ang may sakit ay tuluyan nang nagiging makalilimutin. Hindi na niya naaalala ang panahon at oras, ang pook na kaniyang tirahan, at ang pangalan ng mga kamag-anak o kaibigan. Nawawala na rin ang kanilang kontrol sa pag-ihi at pagdumi.

10 Senyales ng Alzheimer's Disease:
Ang Alzheimer's Association ay naglista ng sampung senyales na nakakatulong sa pagtukoy kung ang isang tao ay nagtataglay ng Alzheimer's disease.
1.Pagkawala ng memorya
2.Kahirapan sa paggawa ng mga pamilyar na gawain
3.Problema sa pagbuo ng pangungusap
4.Pagkaturete sa oras at lugar
5.Kahinaan sa pagdedesisyon
6.Kahirapan sa abstraktong pagiisip
7.Pagkalimot sa pagkakaayos ng mga bagay
8.Pagbabago sa ugali
9.Pagbabago sa personalidad
10.Pagkawala ng inisiyatibo

No comments:

Post a Comment